Monday, October 17, 2016

Hanggang Saan Tayo Makakarating?

A Slam Poetry performed by Yours Truly, Didge Martin

~ ~

Lumilipad lang lagi ang aking kaisipan;
Bago pa man matuklasan ang grabidad,
Ito'y umiiral na noon pa man, magpasawalanghanggan
Parang pag-ibig ko sa'yo, hindi pa man nagsisimula,
Alam kong wala na itong katapusan

Lingid lang sa iyong kaalaman;
Labis kitang naiisip; tuwing malamig
Labis kitang naiisip; tuwing tulog ko'y mahimbing
Labis kitang naiisip; tuwing kakain
Labis kitang naiisip; tuwing sasapit na ang dilim

Ngunit sa paglipas ng oras, ako'y mapapaisip
Ayaw ko nang makipagsapalaran sa tadhanang 'di ko naman kinakaya
Ayaw ko nang makipagsapalaran sa tadhanang wala naman akong pag-asa
Simula noong nakilala kita

Sinabi mo nalang sana sa umpisa,
Na tayo'y maglalaro lang pala.
Ang mga nararamdaman ay parang nasa aspeto ng patintero;
Bawala magpahuli, kundi ika'y mapapahamak lamang
Ang mga nararamdaman ay parang nasa aspeto ng tumbang preso;
Bawala mahulog kundi ika'y mahihirapan bumangon kinabukasan
O di kaya'y tagu-taguan; pahirapan pang malaman kung nasaan nga ba ang tunay na nararamdaman, meron nga ba o palasaisipan lamang?

Hindi ko alam kung saan ako nagkulang
Patawad, ako'y nagkakamali rin
Ngunit ang hindi ko maintindihan,
Ay kung bakit mawawala ka na lamang ng walang paalam?

PAALAM- saan nanggaling ang salitang yan?
Walang pinagbasehan, walang patutunguhan

Teka nga muna, simulan natin kung paano nagkaroon ng ganitong ideya
Gusto na ba kita noon pa man, o ginusto lamang kita dahil sa bugso ng nararamdaman?
Naalala mo ba kung paano mo ako unang pina-ngiti sa mga simpleng bagay na pinapakita mong hindi naman nauusisa sa simula?

Naalala mo ba ang unang pagkakataon na nagkahawak ang ating mga kamay't tibok ng puso'y 'di maipaliwanag ang nadarama?
Naalala mo ba ang lahat? O sadyang ang mga magagandang ala-ala para sa akin ay normal lamang na  mga pagkakataon para sa'yo?

Hindi ko lubos maisip kung paano ako nakarating sa ganito. Saan nga ba tayo patungo?
Tumatakbo sa aking isipan, sumasagi lagi sa aking konsensya, nauubusan na ng pasensya
Naalala mo ba ang lahat? Ilang beses ba kitang susuyuin para pahalagaan ang nakaraan?

"Ang Nakaraan" minsan linya sa teleserye,
Madalas ala-alang may iniiwang mensahe
Mapait man o matamis, merong bigat na hindi mapapantayan ng kasalukuyan
Ang mga posibilidad ay hindi ko hawak ngunit patuloy kong hinahanapan ng paraan
Ngunit namulat ako sa realidad na tayo'y pawang imahinasyon lamang

Ang nakaraan; gustung-gusto mong balik-balikan ngunit hanggang dito ka na lamang
Nagiwan ng mga 'di mapapantayan na memorya
Nagiwan din ng pighati sa 'yong sistema

Patawad sa masyado kong pagunawa
Na ang pagbigay ko ng interpretasyon sa atin ay umaapaw
Pinupuno ng pusong ito; patuloy na sumusugod kahit sugat-sugat na

Patawad kung akala ko ang puso mo'y magrabo
Ang katotohanan pala ay mas masahol pa sa aso
Ang puso mo'y parang yelong napakalamig; parang gusto ko na itong basagin

Patawad kung masyado akong umasa sa'yo
Nang dahil sa hindi pagkakaunawaan, tayo'y nagkagulo
Napagiwanan ako, naging parang siraulo
Patawad, ako'y nagbigay lamang ng pagmamahal sa'yo

Ang dami ko nang nabitawang salita; nakaabot na tayo sa yugtong ito
Hanggang saan nga ba makakarating ang piyesang ito?
Patuloy na bumubulabog sa buong pagkatao ko,
Kung meron nga ba talagang 'tayo'

Kung meron nga ba talagang 'tayo' - saan tayo nabibilang?
Kung meron nga ba talagang 'tayo' - saan tayo pupunta?
Kung meron nga ba talagang 'tayo'; Hanggang Saan Tayo Makakarating?



No comments:

Post a Comment